Nasunog na imbakan ng krudo sa San Pascual, Batangas, walang business permit | ABS-CBN News

preview_player
Показать описание
MAYNILA — Kinumpirma ng Bureau of Fire Protection (BFP) at opisyal ng Barangay Bayanan na walang business permit ang nasunog na imbakan ng krudo sa San Pascual, Batangas nitong Sabado ng gabi.
Ayon kay Fire Senior Inspector Melvin Vinson, municipal fire marshal ng BFP San Pascual, hindi sumailalim sa inspeksyon ang nasunog na compound na may lamang highly flammable items.
“Hindi namin nainspeksyon kasi hindi dumaan sa amin ang application for business permit… wala pang application,” sabi ni Fire Senior Inspector Vinson.
Dagdag ni Vinson, nakalagay lamang sa plastik na drum ang mga krudo at exposed ito sa hangin, na hindi naaayon sa safety standards ng BFP.
Ayon kay Barangay Bayanan Chairman Medel Medrano, napansin nilang itinaas ang bakod ng establisyemento noong Disyembre.
Apat na beses umano nilang pinuntahan ang compound ngayong Enero para magbigay ng abiso na kumuha ang operator ng business clearance sa munisipyo, pero wala ni isang tauhan ang humarap sa kanila.
“Lahat ng establisyemento nabigyan namin ng letter para magbigay ng clearance, ay ito lang ho na establisyemento ito ang hindi. So ang magiging desisyon sana namin ay may-ari na ng lupa ang ipatawag,” sabi ni Medrano.
Dagdag niya, saka lang nila napag-alaman na imbakan ng krudo ang compound nang masunog ito.
Aniya, binabantayan nila ang establisyemento sakaling bumalik ang mga tumakas na tauhan.
Tinatayang nasa P14,000,000 ang halaga ng pinsala ng sunog na nagsimula bandang alas sais ng gabi.
Umabot ito ng unang alarma, kung saan anim na firetrucks ang rumesponde.
Paliwanag ni Fire Senior Inspector Vinson, kinailangan nilang gumamit ng foam na kemikal na mas epektibo kaysa tubig para maapula ang apoy.
Walang naitalang namatay at nasugatan sa sunog na idineklarang fire out makalipas ang tatlong oras.
Dahil sa sunog agad isinara sa mga motorista ang diversion road sa lugar at binuksan muli ng 8:30 p.m., ayon sa barangay.
Inirereklamo naman ng mga residente ang natunaw na solar lights sa kalsada dahil sa sunog at ang amoy na naiwan ng nasunog na krudo.
“Ito po’y hindi naman masyado malapit sa mga kabahayan pero maamoy po natin ng mga dumaraan ang masangsang na amoy na posibleng makaapekto rin sa kalusugan ng mga tao,” sabi ng residenteng si Jose Caiga.
Patuloy pang iniimbestigahan ng BFP ang sanhi ng sunog.
Iimbestigahan din ng pulisya kung saan galing ang mga krudo at kung may ilegal na aktibidad sa loob ng establisyemento.
Paalala naman ng BFP sa mga establisyemento na sumunod sa safety regulations, tulad ng wastong pag-iimbak ng mga flammable materials at pagsasailalim sa regular na inspeksyon.

For more ABS-CBN News videos, click the link below:

For more Breaking News & Live Coverage videos, click the link below:

For more latest news and analysis from ABS-CBN News videos, click the link below:

For more News Digital News Raw Cuts, click the link below:

Watch full episodes on iWantTFC for FREE here:

#ABSCBN
#LatestNews
#ABSCBNNews
Рекомендации по теме